Saklolo, saklolo… Lord?

“Help. Tulong, please…”

Pilit kong isinisigaw ang mga salitang yun. Pero walang kumakawala sa aking mga labi. Nanatili lamang sila sa aking isipan.

Nandidilim ang aking paningin. Naduduwal na naman ako. Nahihilo. Nanlalamig. Nanghihina.

Pilit kong iniangat ang aking ulo upang silipin ang paligid. Upang humanap ng sasaklolo.

May ilang dumaan. Iginalaw ko ang aking mga kamay, pilit ipinapahiwatig sa kanila na hindi ko na kayang tumayo. Na nanghihina na talaga ako.

Wala. Walang nakapansin.

“Please, God. Help me. Please.”

Tahimik ngunit taimtim akong nagdasal. Wala na akong maisip na ibang sasaklolo. Siya na lang. Siya lang. Ipinikit ko ang aking mga mata, nagbabakasakaling kapag nakatulog ako ay bumalik ang sigla ko.

Wala na akong nararamdaman. Wala. Tanging ang malamig na simoy ng hangin lang ang dumadampi sa aking balat. Para lamang ‘yong simoy ng aircon sa EE audi.

Mabuti na lamang at wala akong susunod na klase. Matagal ang bakanteng oras ko sa araw na ito tuwing umaga.

“Hindi pa naman ako ma-de-deads, ‘di ba?” Tumawa ako nang mahinhin. Huminga ako nang malalim. Nanatiling nakapikit ang mga mata.

Isang minuto. Dalawa. Tatlo. Parang hindi ko na mabilang ang nagdaang minuto habang nakaupo at nakayuko ako doon sa isang mahabang bangko.

“Estudyante ba ‘yan? Tulog? Kanina pa ba siya d’yan?”

Isang tinig ng babae ang narinig ko.

“Ewan ko. Ngayon-ngayon lang yata.”

Isa namang matandang jeepney driver ang nagsalita.

Hindi! Kanina pa ako dito! Abala ka lang kasi sa pakikipag-usap sa kasama mo kaya hindi mo ako napansin!

Iniangat ko ulit ang ulo ko bilang protesta. Kahit na nanghihina na at mukhang wala na akong natitirang lakas, hinanap ko kung nasaan nanggaling ang boses ng babae.

Nang magtama ang aming tingin, halatang nabigla siya. Dali-dali niyang tinawag ang tagapamahala ng karinderyang pinagsisilbihan niya.

Lumabas ang isang ginang. Mukhang mabait. At bakas ang pag-aalala sa mukha niya.

“Hala kang bata ka, namumutla ka!”

Nilapitan niya ako at hinawakan ang braso kong tila wala ng dugong dumadaloy.

“Ang lamig mo… at pawis na pawis! May tuwalya ka ba?”

Napansin niya ang tuwalyang hawak ko, kinuha at inilagay sa likod ko. Naririnig ko ang mga bulong sa paligid. Pero hindi ako makapagsalita.

“Bakit nanghihina ka? Kumain ka na ba?”

Tanong ng ginang. Umiling ako, nahihiya.

“Ayan naman kasi. Puro aral, nalilimutan na kumain. Hindi naman masamang maging masipag sa pag-aaral. Pero masama ‘yong nagpapalipas ng kain.”

Hinayaan ko na muna siyang magsalita habang tinatapik-tapik ang likod ko. Medyo nanunumbalik na ang lakas ko. Siguro dahil sa tubig na ininom ko.

Unti-unti kong naramdaman ang init nang itanong niya sa akin kung gusto ko ba raw na dalhin nila ako sa infirmary. Napansin niyang baguhang estudyante pa lang ako kaya sinabi niyang libre lang naman doon. Madalas nga raw na may ganitong pangyayari doon.

Bumalik yata agad lahat ng enerhiya ko nang mabanggit niya ang salitang ‘infirmary’. Mabilis akong tumanggi. Ayoko doon.

Sinabi kong mabuti na ang pakiramdam ko at kailangan ko lang talagang kumain. Kaya naman dinalhan niya ako ng isang plato ng pagkain. Ipinaliwanag at ikinwento ko kung bakit ako nagkaganoon at napatawa ko pa yata siya. Pagkatapos noon ay bumalik na siya sa loob upang asikasuhin ang karinderya niya.

Naiwan ako doon sa mahabang upuan. Napangiti pa ako nang tinignan ko ang pagkaing nasa harap ko.

“Ang bilis Mo talagang sumagot sa panalangin, Lord!” Sabi ko sa isip ko.

Lalo akong napangiti at ipinagpatuloy ang pagkain. Nang naramdaman kong malakas na uli ako, nagbayad na ako at nagpasalamat sa mga babaeng umalalay sa akin. Kahit na halatang medyo nag-aalala pa rin, nagpaalam na rin sila sa akin.

Bumalik ako sa dorm na parang walang nangyari.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s